-- Advertisements --

Nagpahayag ng buong suporta ang Construction Project Management Association of the Philippines para sa mahigpit na pagpapatupad ng zero-tolerance policy laban sa katiwalian ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling.

Ang deklarasyong ito ng suporta ay nagmula kay CPMAP President Eduardo Hitosis, bilang reaksyon sa mga kasalukuyang kontrobersiya na bumabalot sa mga proyekto para sa pagkontrol ng baha sa bansa.

Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Secretary Aliling sa mga pribadong developer na ang anumang uri ng katiwalian, kahit gaano pa ito kaliit, ay hindi dapat palampasin o bigyang-puwang, maging sa loob man ng gobyerno o sa pribadong sektor.

Hinimok din niya ang mga developer na makilahok at suportahan ang kampanya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. laban sa korapsyon sa lahat ng antas ng pamahalaan.

Bilang tugon, nangako ang CPMAP na makikipagtulungan nang malapit sa DHSUD at sa buong pamahalaan upang matiyak ang transparency at accountability sa lahat ng proyekto.

Ang kooperasyon na ito ay naglalayong palakasin ang integridad sa sektor ng konstruksyon at pabahay.

Bago pa man ang pahayag na ito, ipinaalam na ni Secretary Aliling ang mga mahahalagang reporma sa loob ng DHSUD, na nakapaloob sa ilalim ng kanyang 8-Point Agenda.

Kasama sa mga repormang ito ang istriktong zero tolerance policy laban sa katiwalian upang sugpuin ang korapsyon sa ahensya, pagpapabilis at pagpapagaan ng mga proseso ng transaksyon para sa mas mahusay na serbisyo publiko, ang paggamit ng digital na teknolohiya o digitalization upang mapabuti ang transparency at efficiency, ang recalibration o muling pagsasaayos at pagpapalawak ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.

Layon nitong matugunan ang pangangailangan sa abot-kayang pabahay para sa lahat ng mga Pilipino.