-- Advertisements --

Inanunsyo ng Philippine Sports Commission (PSC), sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd) at Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz, ang pagtatayo ng pinakamalaking weightlifting academy sa bansa alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang school-based sports programs.

Sa isang pulong kamakailan, sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na may 300 paaralan sa buong bansa ang may specialized sports curriculum, kaya’t target ng programa na magsilbing backbone ng mga ito ang weightlifting.

Magsisilbing inspirasyon at aktibo katuwang sa programa si Hidilyn Diaz, na nagtayo na ng sariling weightlifting academy sa Jala-Jala, Rizal matapos ang kanyang Olympic win noong 2021.

Buong suporta naman ang ipinahayag ng Department of Budget and Management (DBM) sa pangunguna ni Secretary Amenah Pangandaman, na nagsabing maglalaan ng P180 million ang gobyerno para sa proyekto.

Pagkatapos ma-finalize ang listahan ng mga paaralang lalahok, pormal na lalagdaan ng PSC, DepEd, at ni Diaz ang kasunduan. Magdo-donate din ang PSC ng weightlifting equipment sa mga eskwelahan at hihikayat ang suporta mula sa mga pribadong sponsor at sports foundations.

Inaasahang ilulunsad ang programa sa pamamagitan ng isang coaches’ summit bago ang opisyal na distribusyon ng mga kagamitan.