Inaprubahan na ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang P5.768-trilyon na pambansang pondo para sa susunod na taon, matapos ang ilang linggong deliberasyon at bago mag-adjourn ang sesyon ng Kongreso para sa isang buwang break.
Kung maalala sinertipikahang urgent ni Pang. Ferdinand Marcos Jr ang 2024 General Appropriations Bill.
Nakatakdang bumuo naman ng isang small committee na siyang kakalap at magsasapinal ng mga inilatag na amyenda ng mga mambabatas.
Ang small committee ay bubuuin nina House Committee on Appropriations chair Zaldy Co, Appropropriations senior vice chair Stella Quimbo, House Majority Leader Mannix Dalipe, at House Minority Leader Marcelino Libanan.
Ang deadline ay itinakda sa Sept. 29, 2023.
Bago ang botohan sa 3rd reading, umalma pa si Kabataan PL Rep. Raoul Manuel. Kanyang alegasyon, pinatayan siya ng mikropono.
Samantala, pinapurihan naman ni Speaker Romualdez ang pag-apruba ng panukalang budget na hindi lamang umano pagtugon sa mandato ng Kamara kundi pagpapakita ng dedikasyon nitong magsilbi ng may transparency at accountability sa mga Pilipino.
Sa kaniyang mensahe bago magsara ang sesyon, binigyang diin ni Speaker Romualdez ang pagnanais ng Kapulungan na tuparin ang mandato nito na bantayan ang pambansang pondo na may mataas na pagkilala sa transparency at diligence.
Ipinunto pa ng lider ng Kapulungan na may 311 miyembro na dumaan sa masinsing diskusyon ang pagtalakay sa pondo, partikular sa confidential at intelligence funds, na hinimay mabuti ng Kamara upang masigurong tama at naaayon ang gagawing paggugol sa limitadong pondo ng gobyerno.
Una nang nagdesisyon ang liderato ng Kamara na ilipat ang lahat ng confidential at intelligence fund na inilaan sa mga non-security department at ilagay sa mga ahensya na may kaugnayan sa pagbabantay sa West Philippine Sea.
Malaking bahagi ng naturang pondo ang ibibigay sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at the National Security Council (NSC), na kapwa responsable sa intelligence activities at national security coordination.
Daragdagan din ang panukalang 2024 budget ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources upang palakasin ang kanilang kapasidad at kakayanan sa pagbabantay sa West Philippine Sea.
Para sa House Speaker ang pag-apruba sa 2024 GAB ay patunay sa pagpapahalaga ng Kamara sa kapakanan ng mga Pilipino at sa minimithing mas masaganang bansa.
Ang 2024 national budget ay 9.5 porsyentong mas mataas kaysa sa kasalukuyang P5.267 trillion, at katumbas ng 21.7 porsyento ng gross domestic product ng bansa.