-- Advertisements --

Nanawagan si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na palawakin pa ang Pag-Abot Program—isang programang nagbibigay ng maikli at pangmatagalang tulong sa mga palaboy at pamilyang nasa laylayan—upang mabigyan sila ng pagkakataong makapagsimula ng matatag na kabuhayan at mamuhay nang may dignidad.

Ginawa ni Speaker ang panawagan matapos mamahagi ang DSWD ng mga kagamitang pansaka sa 521 pamilyang Aeta sa Barangay Maruglo, Capas, Tarlac, bilang bahagi ng patuloy nitong hakbang para matulungan ang mga katutubo na maging masigla at may sariling kabuhayan, at makaiwas sa pamamalimos sa mga siyudad, lalo na tuwing panahon ng Pasko.

Giit ni Speaker na ang Pag-Abot Program ay isang mahalagang social safety net na pumupuno sa mga kakulangan sa ating mga programa kontra kahirapan. 

Patunay din ito sa matibay na paninindigan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na wakasan ang kahirapan, alinsunod sa Philippine Development Plan 2023–2028 at United Nations Sustainable Development Goals.

Tinukoy rin ni Speaker ang Executive Order No. 52, Series of 2024, na nilagdaan ni Pangulong Marcos Jr. noong Enero 18, 2024, na pormal na nagtatakda sa Pag-Abot Program bilang isang pangunahing inisyatiba ng pamahalaan upang abutin at suportahan ang mga bulnerable, salat, at liblib na sektor ng lipunan sa Pilipinas.

Kabilang sa mga ipinamigay ng DSWD sa mga pamilyang Aeta ay:

• 50 kalabaw

• 10 hand tractor na may trailer

• 9 mini-tiller cultivator

• 10 grass-cutter

• 10 water pump

• 33 knapsack sprayer

• 6 power sprayer

• 4 mini palay thresher

• 3 rice mill

Ang mga kagamitang ito ay karagdagan pa sa 91 kalabaw na nauna nang ipinagkaloob ng DSWD matapos ang pagsagip at pagbabalik sa mga Aeta na nagtungo sa Metro Manila noong Disyembre 2023.

Pinuri rin niya ang pamumuno ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa pagtitiyak na ang mismong komunidad ng Aeta ang nagtukoy sa mga kailangang tulong—alinsunod sa community-driven approach ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan–Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) ng DSWD.

Binigyang-diin ng Speaker na buong suporta ang Kongreso sa Pag-Abot Program at iba pang inisyatiba ng DSWD bilang bahagi ng adyenda ng administrasyong Marcos para sa Bagong Pilipinas.

Para sa taong 2026, inihain ng DSWD ang panukalang kabuuang budget na P223.2 bilyon, na sasaklaw sa mga pangunahing programa gaya ng:

• Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps)

• Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS)

• Supplementary Feeding Program

• Sustainable Livelihood Program

Sa budget na ito, P807 milyon ang inilaan para sa Pag-Abot Program, kung saan P586 milyon ay para sa mga grant at P66.6 milyon para sa outreach operations.