-- Advertisements --

Nagpasalamat si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pamahalaan ng Estados Unidos para sa karagdagang ₱13.8 milyon ($250,000) halaga ng tulong para sa emergency shelter at hygiene kits para sa 3,000 pamilyang naapektuhan ng pagbaha noong Hulyo dulot ng habagat.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang tulong ay patunay ng matibay at matagal nang pagkakaibigan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Binigyang-diin niya na ang bagong tulong ay nagpapakita ng tuloy-tuloy na suporta ng ating matagal nang kaalyado sa panahon ng pangangailangan.

Binanggit ng beteranong mambabatas mula Leyte na bukod sa agarang pagtulong sa mga biktima ng baha, pinatitibay din ng tulong ng Estados Unidos ang malalim na ugnayan ng dalawang bansa na nakabatay sa pagtitiwala, magkakaparehong pagpapahalaga, at sama-samang layunin na pagbutihin ang buhay ng mga mamamayan.

Noong Biyernes, inanunsyo ng U.S. Embassy sa Maynila ang karagdagang pondo para sa pamamahagi ng emergency shelter materials at hygiene kits sa humigit-kumulang 15,000 indibidwal na nananatili sa mga evacuation center sa mga lalawigan ng Rizal, Laguna, Bulacan, at Pampanga.

Sa tulong na ito, umabot na sa kabuuang ₱27.6 milyon ($500,000) ang tulong ng Estados Unidos para sa mga disaster response efforts sa Pilipinas.

Ang International Organization for Migration (IOM) kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang magbibigay ng tarpaulin, repair kits, at mga gamit sa mga pamilyang nasira o napinsala ang mga bahay.

Kasama sa bawat kit ang mga pangunahing gamit sa konstruksyon upang makapagsimula ang mga pamilya sa muling pagtatayo ng kanilang mga tahanan.

Magbibigay din ng hygiene kits na naglalaman ng sabon, timba, at mga gamit panglinis, habang imo-monitor ng IOM ang kalinisan sa mga evacuation center upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Ayon kay U.S. Embassy Chargé d’Affaires ad interim Y. Robert Ewing, taos-pusong nagpapasalamat ang Estados Unidos sa pakikipagtulungan ng IOM, World Food Programme (WFP), DSWD, at Office of Civil Defense upang makatulong sa pagbangon at pag-ahon ng mga pamilyang naapektuhan.

Kamakailan ay naglaan na ang pamahalaan ng Estados Unidos ng ₱13.8 milyon ($250,000) sa pamamagitan ng World Food Programme (WFP), na nakapagbigay ng 47,700 food packs para sa mahigit 200,000 benepisyaryo sa Northern at Central Luzon. Katuwang rin ng mga eroplano ng militar ng U.S. ang Armed Forces of the Philippines sa paghahatid ng 6,300 food packs para sa 18,000 indibidwal sa Batanes.

Hinikayat ni Speaker Romualdez ang DSWD na siguraduhing magiging mabilis at transparent ang pamamahagi ng pinakabagong tulong.

Hinimok din ni Romualdez ang iba pang ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan na palakasin ang suporta sa tulong ng U.S. sa pamamagitan ng pagtiyak na may sapat na access ang mga pamilyang nasa evacuation centers sa malinis at ligtas na pasilidad para sa kalinisan at sanitasyon.