-- Advertisements --

Kinilala ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga nagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa unang taon nito sa puwesto.
Si Pangulong Marcos ay isang taon na sa puwesto bukas, Hunyo 30.

“The President did well on Year 1. Keep up the good work, Mr. President,” ani Speaker Romualdez.

Ayon kay Speaker ang pinakamalaking nagawa ng administrasyong Marcos sa unang taon nito ay ang pagtulong sa mga ordinaryong Pilipino, pagpapanatili ng pag-unlad ng ekonomiya, paghikayat sa mga mamumuhunan na magnegosyo sa bansa at magandang pakikitungo sa ibang bansa.

Sinabi ni Romualdez , ginawa ng Pangulo ang kanyang makakaya upang matugunan ang mga alalahanin ng mga ordinaryong Pilipino gaya ng presyo ng bilihin at kawalan ng matitirahan.

Magugunita na umabot sa P800 ang kilo ng presyo ng sibuyas at maging ang presyo ng bigas at iba pang mga basic commodities.

Ipinagmalaki naman ni Speaker Romualdez, dahil sa naging hakbang ng Kongreso napigilan ang labis na pagtataas ng presyo ng mga bilihin gaya ng sibuyas at bigas.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon Rep. Mark Enverga kaugnay ng pag-ipit sa suplay ng sibuyas upang mamanipula ang presyo nito at natukoy ang kartel na nasa likod nito.

Para maibsan ang hirap ng ating mga kababayan, binuhay ng Pangulo ang Kadiwa stores ng kanyang ama para mayroong mabilihan ng murang produkto ang publiko.

Binuhay din ng Pangulo ang proyektong pabahay na natutunan nito sa administrasyon ng kanyang ama at binuhay ang BLISS (Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services) program na ipinatupad ni dating First Lady Imelda Marcos, noong ito ang minister ng Human Settlements.

Inilungsad din ni Pangulong Marcos ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino at inatasan ang Department of Human Settlements and Urban Development na magtayo ng mga medium-rise at high-rise condominium na matitirahan ng mga mahihirap, at empleyado ng gobyerno gaya ng pulis at sundalo.

Hindi rin umano maitatanggi na maganda ang tinatakbo ng ekonomiya.

Ang pag-angat umano ng ekonomiya sa unang anim na buwan ng administrasyon ay resulta ng desisyon ng Pangulo na buwan ang ekonomiya sa gitna ng banta ng COVID-19 pandemic.

Itinaas din ang World Bank ang 2023 forecast nito sa Pilipinas na 5.4%-5.6% sa anim na porsyento.

Sa mga biyahe sa ibang bansa, sinabi ni Speaker Romualdez na pinangunahan ng Pangulo ang paghikayat sa mga dayuhang mamumuhunan na magnegosyo sa bansa.

Napalakas din umano ang ugnayan ng Pilipinas sa mga bansang binisita ng Pangulo gaya ng Estados Unidos, dagdag pa ng lider ng Kamara.

Ayon kay Speaker, dahil sa magandang performance at tunay na pagmamalasakit sa mga mahihirap at sa bansa,nananatiling popular ang Pangulo.

Patunay dito ang mga survey kung saan mataas ang performance rating na nakuha ng Chief executive.