Hindi bababa sa 107 katao na ang naiulat na nasawi sa matinding flash floods sa Texas, karamihan sa kanila ay mula sa Kerr County.
Isa sa pinakamalubhang tinamaan ay ang Camp Mystic, isang 100-taong-gulang na Christian summer camp para sa mga batang babae, kung saan 27 campers at staff ang naiulat na namatay sa insidente.
Kabilang sa mga biktima ang mga batang nasa edad 8–9 taong gulang mula sa iba’t ibang estado.
Kabilang dito si Renee Smajstrla, 8, na kinumpirma ng kanyang pamilya sa social media; ang magkaibigan na sina Lila Bonner at Eloise Peck, parehong 9 taong gulang; Sarah Marsh, isang estudyante mula Alabama; Janie Hunt, 9, mula Dallas at apo ng isang kilalang oil baron; kambal na sina Hanna at Rebecca Lawrence, 8-taong gulang, at si Anna Margaret Bellows at Linnie McCown, na kapwa 8 taong gulang.
Ayon sa mga kaanak, maraming camp counsellors ang nagsakripisyo upang mailigtas ang mas maraming bata, kabilang ang dalawang counsellors na namatay habang sinusubukang sagipin ang mga camper.
Isa ring itinuturing na bayani ay si Julian Ryan mula Ingram, Texas, na namatay matapos iligtas ang kanyang pamilya mula sa rumaragasang baha.
Tinulungan niyang makalabas ang kanyang fiancée, dalawang anak, at senior citizen na ina nito, bago tangayin ng tubig. Na-recover ang kanyang labi makalipas lamang ang ilang oras.
Ayon sa mga awtoridad patuloy pa rin ang pagkilala sa mga biktima habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at pagsagip ng mga awtoridad.
Marami ang nananawagan ng panalangin at tulong para sa mga naiwang pamilya.