-- Advertisements --

Lagpas na sa 100 katao ang naitalang bilang ng mga nasawi habang may ilan pa ring patuloy na nawawala sa pananalasa ng mga pagbaha sa Texas, USA.

Sa Camp Mystic, na isang Christian girls’ summer camp sa Kerr County, malapit lamang sa umapaw na Guadalupe River, 27 mga bata at isang counselor ang kumpirmadong nasawi habang 10 pang campers at isang counselor ang nananatiling nawawala.

Mula sa 84 na biktima, 56 dito ay adults at 28 ang mga bata na nasawi sa Kerr County kung saan nga umapaw ang Guadalupe River bunsod ng malalakas na pag-ulan bago mag-umaga noong Biyernes, Hulyo 4.

Nasa 22 adults at 10 bata ang hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ayon sa sheriff office ng naturang county.

Ayon kay Texas Gov. Greg Abbott, patuloy ang paghahanap ng rescuers sa dose-dosenang nawawalang katao sa mga sinalantang lugar.

Kaugnay nito, tumutulong na rin sa pagresponde sa mga pagbaha sa estado ang mahigit 20 state agencies.

Inaasahan naman na huhupa na ang masamang lagay ng panahon nitong gabi ng Martes sa Texas at inaasahan din ang mas tuyong araw kumpara sa mga nakalipas na araw.

Samantala, bumuhos naman ang pakikiramay mula sa iba’t ibang panig ng mundo para sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa naturang sakuna.

Kabilang na dito si King Charles III na sumulat kay US President Donald Trump para magpaabot ng lubos na kalungkutan sa trahediya at nag-alay ng taus-pusong pakikidalamhati sa mga nawalan ng mahal sa buhay.