-- Advertisements --

Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi sa mapaminsalang mga pagbaha sa Texas, USA na nagsimulang manalasa kasabay ng Independence day ng Amerika noong July 4.

Ayon sa mga awtoridad sa estado, pumalo na sa 82 katao ang nasawi sa mga lugar na nalubog sa baha sa central Texas. Kabilang na dito ang 68 biktima mula sa Kerr County, 6 naman ang nasawi mula sa Travis County, 3 mula sa Burnet County, tig-dalawa ang naitalang casualty sa Kendall County at Williamson County habang may isang nasawi naman sa Tom Green County.

Nauna ng napaulat na 28 bata ang nasawi sa Kerr County na dumalo sa isang Catholic seminar camp habang nananatiling unaccounted ang 10 nawawalang batang babae. Noong Sabado, naiulat ding nasawi ang mismong may-ari ng Camp Mystic na si Dick Eastland habang sinusubukang i-rescue ang mga campers sa kasagsagan ng baha sa Kerr County.

Inihayag naman ni Gov. Greg Abbott na nananatiling banta ang mga pagbaha sa ilang parte ng estado kung saan inaasahan pa ang mas maraming pagbuhos ng ulan sa ilang mga lugar.

Hinimok naman ang mga residente sa Hunt, isang komunidad sa Kerr County, na lumikas sa mas mataas na lugar nitong hapon dahil sa posibilidad ng pagbaha.