Nananatiling pinaghahanap ang mahigit 160 katao na nawawala halos isang linggo na mula nang manalasa ang mapaminsalang mga pagbaha sa Texas, USA noong Hulyo a-4, na kumitil na sa 109 buhay.
Ibinabala naman ni Texas Governor Greg Abbott na posibleng tumaas pa ang bilang ng mga nawawala kasabay ng nagpapatuloy na paghahanap sa mga ito.
Sa Kerr County pa lamang, iniulat ni Gov. Abbott na mayroong 161 katao ang nawawala na iniulat ng kanilang mga kaibigan, kamag-anak at kapitbahay.
Sa naturang county din na parte ng central Texas region na kilala bilang “flash flood alley” ay pinakamatinding napinsala ng mga pagbaha na nag-iwan ng 94 na casualties, kabilang dito ang 27 batang babae at counselors na nasa isang Christian youth summer camp nang bumulwak ang Guadalupe River na malapit sa camp at nagdulot ng matinding pagbaha sa lugar.
Nananatili pa ring missing hanggang nitong gabi ng Martes, oras sa Amerika ang limang youth campers at isang counselor gayundin ang isa pang bata na hindi kasama sa summer camp.
Matinding hamon naman ngayon sa isinasagawang search and rescue operations ang hindi pa rin humuhupang mga tubig-baha at putik sa mga county na matinding tinamaan ng naturang sakuna.