Kinilala at hindi isinantabi ng kataas-taasang hukuman ang mga naging karanasan ng isang anak matapos nitong patayin ang sarili niyang ama.
Sa isinapublikong pahayag ng Korte Suprema, bagama’t hinatulang ‘guilty’ si Leopoldo Singcol nang saksakin ang kanyang tatay, binabaan naman nito ang parusang ipinataw dahil sa naranasan niyang long-term abuse mula sa ama.
Ikinunsidera ng kataas-taasang hukuman ang biglaang pagsabog at hindi makontrol na emosyong nag-trigger umano buhat ng pang-aabuso ng ama sa loob ng maraming taon.
Itinuring na kwalipikado ito bilang passion o obfuscation na siyang nakikitang rason sa pagpapababa ng parusa para sa kasong parricide.
Base sa impormasyon ng Korte Suprema, ang hinatulang anak na si Singcol ay pinatay ang kanyang sariling ama matapos sumiklab ang isang pagtatalo sa pagitan nila.
Una raw nagtangkang patayin ng ama si Singcol gamit ang bolo ngunit ito’y nadapa kaya’t inagaw ng anak at duon na isinagawa ang pananaksak hanggang sa ikamatay ng kanyang tatay.
Habang may naganap ding pangyayari kung saan si Singcol ay nagtangkang saksakin naman ang sister-in-law at anak nitong dalawang taong gulang.
Nagdulot ito ng ‘injury’ sa bata habang sa ina naman nito ay madugong pinagsasaksak ni Singcol na siyang naging dahilan para ikamatay ng nanay.
Sa isinagawang paglilitis o trial kay Singcol, inamin naman niya ang pagpatay at pananaksak sa mga kaanak ngunit kanyang idinahilan na ito’y bunsod ng mga pang-aabuso na naranasan mula pagkabata.
Hindi aniya siya nakapag-iisip ng may kaliwanagan nang kanyang gawin ang krimeng pagpatay.
Bunsod nito’y parehas ang naging hatol ng Regional Trial Court at Court of Appeals na ma-convict si Singcol sa kasong ‘parricide’.
Habang ang Korte Suprema naman ay iginiit na dapat maikunsidera dito ang passion o obfuscation bilang mitigating factor upang mapababaw ang parusang inihatol.
Ang passion o obfuscation ay ang kasalukuyang estado sa pag-iisip ng isang indibidwal nang kanyang gawin ang krimen.
Dulot ito ng hindi makontrol na pagsiklab ng damdamin buhat ng mga nakaraang di’ katanggap-tanggap na karanasan.
Hinatulan si Singol ng ‘reclusion perpetua’ o habambuhay na pagkabilanggo na hindi lalagpas ng 40 taon sa loob ng kulungan hinggil sa kasong parricide at murder.