Hindi pa humihingi ng tulong ang Pilipinas sa mga kaibigang dayuhang bansa sa gitna ng pinsala na dulot ng Bagyong Tino.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire castro na wala pang panawagan para sa foreign assistance dahil may sapat pang pondo at quick response funds ang mga frontline agencies ng pamahalaan upang tugunan ang mga pangangailangan sa mga apektadong lugar.
Dagdag pa ni Castro, kung sakaling kulangin ang pondo ng mga local government units (LGUs), maaari silang umasa sa Local Government Support Fund mula sa Office of the President.
Gayunman, sinabi rin ni Usec. Castro na ilang ASEAN Plus One partners gaya ng Australia, Canada, at Estados Unidos ay nagpahayag ng kanilang kagustuhang tumulong sa mga hakbangin ng bansa para sa rehabilitation at recovery efforts.
Binigyang-diin ni Castro na nananatiling bukas ang pamahalaan sa koordinasyon at kooperasyon sa mga bansang nagnanais magpaabot ng suporta.
Nagpaabot ng pakikiramay ang United Arab Emirates (UAE) at United States (US) sa Pilipinas kaugnay ng pinsalang dulot ni Bagyong Tino.
Samantala, Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na magsagawa ng mabilisang aksyon at agarang tulong sa mga apektado ni Bagyong Tino.
Ayon kay Castro na nagpadala na ng mga first responders ang pamahalaan sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng bagyo bilang bahagi ng maagang paghahanda.
Sa isyu naman kaugnay sa mga ulat ng malawakang pagbaha, sinabi rin ni Castro na posibleng imbestigahan ng DENR ang mga sanhi nito, kabilang ang deforestation, quarrying, at unregulated development.
Bagaman wala pang direktang utos mula sa Pangulo hinggil sa imbestigasyon, iginiit ni Castro na alam na ng DENR ang direksyon at hangarin ng Pangulo na tiyaking mapanagot ang sinumang mapatunayang nag-abuso sa kalikasan.















