Magpapatupad ng libreng sakay sa MRT-3, LRT-1, at LRT-2 ngayong araw, Nobyembre 10 hanggang 11 ang Department of Transportation (DOTr) bilang tugon sa epekto ng Super Typhoon Uwan.
Kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na matulungan ang mga apektadong pasehero. Magkakaroon din ng libreng bus rides sa mga rutang Quipo-fairview Quiapo-Angono, Lawton-Alabang, Roxas Boulevard-Sucat, at Taft-Cubao, na posibleng palawigin depende sa pangangailangan.
Inalis naman ng Philippine Ports Authority (PPA) ang terminal fees para sa mga sasakyang maghahatid ng rescue equipment at relief goods, habang libre rin ang cargo fees sa mga lokal na airline na magdadala ng tulong.
Iniutos din ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na gawing libre ang toll fees para sa mga sasakyang kalahok sa rescue operations.
Patuloy ang DOTr, PCG, at CAAP sa pagbabantay sa sitwasyon sa mga pantalan, terminals, at paliparan, habang namimigay ng pagkain at inumin sa mga stranded na pasahero.















