Walang inaasahang kudeta o palitan ng liderato sa Senado ilang araw bago mag-adjourn ang sesyon ng mataas na kapulungan ng Kongreso sa Biyernes, Oktubre 10.
Sa pulong-balitaan, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na kumpiyansa siyang hindi tatalikod ang mga miyembro ng majority bloc at patuloy siyang susuportahan sa kanyang pamumuno sa Senado.
Ayon kay Sotto, hindi na rin kailangan ang loyalty check sa hanay ng mga senador.
Kinumpirma rin ni Sotto na nagkaroon sila ng pag-uusap ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano kaugnay ng mga umiiral na usap-usapang kudeta.
May mga ulat kasi na si Cayetano umano ang papalit sa kanya bilang Senate President.
Gayunman, itinanggi raw ni Cayetano na may kinausap siya para palitan si Sotto, na isang buwan pa lamang nakaupo bilang Senate President matapos niyang palitan si Senador Chiz Escudero.
Tiniyak ni Sotto na buo ang kanyang tiwala sa naging pahayag ni Cayetano na walang magaganap na palitan ng liderato sa Senado.
Samantala, umapela rin ito sa mga senador na huwag hayaang makaapekto sa kanilang trabaho ang naturang isyu, lalo’t abala ngayon ang Senado sa pagtalakay sa panukalang pambansang pondo.