Humingi na umano ng paumanhin si Direk Joyce Bernal kaugnay ng pagtungo ng kanilang team sa bayan ng Sagada sa Mt. Province sa gitna ng Coronavirus Disease (COVID) pandemic sa bansa.
Nabatid na layunin sana ng grupo ni Bernal na kumuha ng ilang footage o video kasama ang aktor na si Piolo Pascual para sa nalalapit na panglimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na July 27
Gayunman, hindi pinayagan ng Sagada council ang hininging shooting permit ni Bb. Joyce Bernal kahit pa thankful sila sa pagkakapili sa kanilang tourist spot bilang background sa SONA ni Digong.
Naninindigan kasi ang mga ito na bawal pa ang pagpasok sa Sagada lalo na ng mga tagalabas dahil epektibo ito laban sa deadly virus kung saan nananatili silang COVID-free o wala pang naitatalang kaso ng naturang virus mula China.
Tanging isang kaso lang ng coronavirus ang mayroon sa buong Mountain Province.
Nabatid na nitong Biyernes ay nagpadala naman ng sulat ang kampo ni Direk Joyce pero ito ay pasado alas-5:00 na ng hapon o tapos na sa office hours kaya natanggap lamang daw ng Sagada Municipality, kahapon, Linggo kung kailan nasa biyahe na ang grupo.
Sumang-ayon naman daw si Direk Joyce sa desisyon ng Sagada council pero umapela na magpalipas ng gabi bago muling sumabak sa mahabang biyahe pa-Maynila ngayong araw.
Kung maaalala, ang nasabing award-winning romantic comedy director din ang nanguna sa mga angle shots sa SONA ni Pangulong Duterte sa nakalipas na dalawang taon.
Bago si Bernal, ang batikan din na si Brillante Mendoza ang naging direktor sa unang dalawang SONA ni Pangulong Duterte.