-- Advertisements --

Asahan ang mas payak at tahimik na red carpet sa State of the Nation Address (Sona) ngayong taon, matapos i-anunsyo ng House of Representatives ang “toned-down” na pagtanggap bilang pakikiisa sa mga naapektuhan ng tatlong sunod-sunod na bagyo kamakailan.

Ang karaniwang engrandeng red carpet sa North Wing ng Batasang Pambansa ay para lamang sa opisyal na pagpasok at protocol, ayon sa inilabas na memorandum. Wala nang photo ops, fashion coverage, o nakaayos na interbyu. Papayagan lamang ang doorstep interviews, kung aprubado ng security.

Bagamat may dress code pa rin, nanawagan ang House sa mga mambabatas at bisita na magsuot ng tradisyonal na barong o Filipiniana at umiwas sa magarbo at mapansin na kasuotan.

Hindi na bago ang ganitong polisiya. Matatandaan na noong 2020 at 2021, inalis din ang red carpet coverage dahil sa pandemya.

Gayunman, inaasahan pa ring tututukan ng media ang pagdating ng mga personalidad, kabilang na ang mga inaabangan gaya nina Heart Evangelista, Lucy Torres-Gomez, Dawn Zulueta, at Senadora Loren Legarda —na kilala sa pagsuporta sa local weavers at sustainable fashion.

Kasama rin sa inaabangang bihisan si First Lady Liza Araneta-Marcos, na dati nang nagsuot ng mga likha ni Lesley Mobo at Michael Leyva.

Ang tanong ngayon: Sino kaya ang tatalima sa panawagan ng pagpapakumbaba, at sino ang magdadala pa rin ng istilo sa entablado ng politika?