Kumpiyansa si House Deputy Majority Leader at TINGOG Party-list Representative Jude Acidre na hindi magpapaimpluwensiya ang mga senador hinggil sa panukalang batas na nagre-revoke sa prangkisa ng Swara Sug Media Corporation na nagpapatakbo ng Sonshine Media Network International.
Ayon kay Acidre sana maging “objective” ang Senado sa pagtalakay sa franchise revocation at huwag magpadala sa interes ng sinuman.
Kilala naman aniya ang Senado na may track record sa pagsasagawa ng mga imbestigasyon kaya dapat ay maipakita sa mga pagdinig ang pagiging balanse at walang pagkiling.
Pinuna rin ni Acidre ang kawalan umano ng respeto ni Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy sa Kamara nang hindi ito dumalo sa mga pagdinig.
Punto ng kongresista, hindi maaaring magkaroon ng “precedent” sa mga susunod na imbestigasyon o pagdinig ang isang indibidwal na hindi nagpapakita.
Samantala, masyado pa umanong maaga para iugnay sa presidential elections sa 2028 ang pagbawi sa prangkisa ng SMNI dahil ibinase naman ito sa malinaw na mga ebidensya gaya ng red-tagging, pagpapakalat ng fake news at hindi pag-uulat sa Kongreso ng “change of ownership” na bahagi ng sinasabing violations.