Naglabas ng special weather outlook ang state weather bureau para sa panahon ng Kapaskuhan.
Ayon kay Juanito S. Galang, Chief ng Weather Division, dalawang weather systems ang makakaapekto sa bansa, kabilang na ang Northeast Monsoon (Amihan) at ang Easterlies.
Sa Disyembre 24 (Miyerkules), makararanas ng maulap na kalangitan na may bahagyang pag-ulan ang Batanes at Babuyan Islands dahil sa Amihan.
Samantala, ang Easterlies ay magdadala ng bahagyang maulap na kalangitan na may posibilidad ng isolated rainshowers o thunderstorms, lalo na sa silangang bahagi ng bansa.
Sa Disyembre 25 (Huwebes), magdadala ang Amihan ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa Batanes, Cagayan, at Apayao.
Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pag-ulan din ang mararanasan sa Metro Manila, MIMAROPA, Central Luzon, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Cavite, Laguna, Batangas, at Rizal.
Ang natitirang bahagi ng Luzon at Western Visayas ay magkakaroon ng bahagyang maulap na kalangitan na may isolated rainshowers, habang ang natitirang bahagi ng bansa ay posibleng makaranas ng localized rainshowers o thunderstorms dahil sa Easterlies.
Dagdag pa ng opisyal, sa Disyembre 24 ay iiral ang light to moderate easterly to northeasterly winds na may slight to moderate seas sa buong kapuluan.
Sa mga susunod na araw, magiging moderate to strong ang northeasterly winds na may moderate to rough seas sa Northern Luzon, habang light to moderate winds na may slight to moderate seas ang mararanasan sa ibang bahagi ng bansa.















