-- Advertisements --

Humarap ngayong araw ang kasalukuyang kalihim ng Department of Justice (DOJ) na si Secretary Jesus Crispin Remulla sa isinagawang ‘public interview’ ng Judicial and Bar Council sa aplikasyon pagka-Ombudsman. 

Pasado alas-nueve ng umaga nang umpishan at unang sumalang sa naturang public interview ang kalihim bago ang ilan pang ibang mga kandidato. 

Sa mga naging pagtatanong ng ‘panel of interviewers’, natalakay ang kanyang pagiging isang pulitiko o ‘elected official’ at kalauna’y bilang ‘appointed official’. 

Nang matanong naman siya kung anong katangian ang meron ito na wala ang ibang kandidato, kanyang ibinahagi na siya’y isang lider sa mahaba ng panahon. 

Bagama’t kasama sa mga kandidato, sa kasalukuyan ay mayroon pa ring kinakaharap ang naturang kalihim na ‘pending case’ sa Office of the Ombudsman. 

Kaya’t ibinahagi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na siya’y maghahain ng mosyon para maresolba ang ‘reklamong’ kinakaharap sa Ombudsman. 

Kalakip aniya nito ang paliwanag na ‘applying for the leadership position’ sa layon o nais niyang maresolba ang isyu.

Maaalalang naghain ng reklamo si Senator Imee Marcos sa Office of the Ombudsman laban kina Secretary Jesus Crispin Remulla at ilan pang matataas na opisyal ng gobyerno. 

Kaugnay ito sa isyu ng pagkakaaresto at pagpapadala kay former President Rodrigo ‘Roa’ Duterte tungo sa International Criminal Court, The Hague Netherlands. 

Samantala, tumanggi munang magkumento si Justice Secretary Remulla sa naunang pahayag ni Senadora Imee Marcos na mayroon umanong panunuhol sa Officer-in-charge ng Ombudsman na si Dante Vargas. 

Sa halip kanyang pinanindigan na tama lamang ang ginawang pagkakaaresto sa dating pangulo. 

Sa kasalukuyan, kinakaharap pa rin ng kalihim ang mga reklamong may kinalaman sa usurpation of judicial functions sa ilalim ng Article 241 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Grave Misconduct at iba pa.