Magiging full operational na sa Enero 14, 2021 ang 18-kilometer Skyway Stage 3 project na nagkaroon ng soft opening kahapon.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kapag fully operational na ito, ang magiging travel time mula North Luzon Expressway (NLEX) hanggang sa South Luzon Expressway (SLEX) ay magiging 30 minutes na lamang mula sa dating mahigit dalawang oras.
Sa pag-iikot ng Bombo Radyo Philippines sa mula Buendia entrance sa Makati hanggang sa Balintawak exit sa Quezon City ay umabot lamang ng 20 minutes at tumatakbo ang patrol ng 40 hanggang 50 kilometers per hour.
Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, ang Skyway na isang “Build, Build, Build” project ay libreng madadaanan sa loob ng isang buwan mula nang magbukas ito kahapon.
Kapag natapos na ang project at fully operational na ay aabot sa 55,000 na mga sasakyan ang mada-divert mula EDSA, C5 at iba pang major thoroughfares sa stage 3 project.
Ang Skyway ay elevated expressway na magsisimula sa Buendia sa Makati hanggang sa North Luzon Expressway (NLEX) sa Balintawak, Quezon City.
Mayroon itong pitong available ramps kabilang na ang Buendia Northbound On Ramp at Southbound Off Ramp, Plaza Dilao Southbound On Ramp, Quezon Avenue Northbound at Southbound On at Off Ramp at Balintawak Northbound Off Ramp at Southbound On Ramp.
Ang Skyway Stage 3 project kapag madudugtungan ay kokonekta ito sa NLEX Harbor Link via NLEX SLEX Connector na magbubukas sa 2021.