Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na masusi na nilang pinag-aaralan ang mga petisyon ng mga transport groups para sa dagdag-pasahe sa mga pampasaherong jeepney.
Sinabi ng LTFRB na kabilang sa petisyon ang Php 1.00 provisional fare increase at iba pang dagdag sa pamasahe para sa parehong traditional at modernong public utility jeepneys (PUJs).
Ayon kay LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III, mahalagang tiyakin na patas at makatarungan ang anumang pag-apruba sa dagdag-pasahe. Aniya, pinag-aaralan nila nang mabuti ang petisyon upang masiguro na may sapat na batayan ang anumang fare adjustment, at mabalanse ang kapakanan ng publiko at ang pagpapatuloy ng operasyon ng pampublikong transportasyon.
Kapag naaprubahan, tataas sa Php 15.00 ang base fare ng traditional jeepneys, samantala, mula Php 14.00 ay magiging Php 19.00 naman ang pamasahe sa modern Public Utility Jeepneys.