Kinondena ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mapanganib na maniobra ng mga barko ng Chinese Navy at Coast Guard na iligal na humarang sa humanitarian operation ng mga barko ng Pilipinas para sa mga mangingisdang Pilipino.
Bagamat hindi ito nagdulot ng matinding panganib sa personnel at mga barko ng Pilipinas, nagresulta aniya ito sa salpukan ng dalawang barko ng China malapit sa Scarborough Shoal.
Subalit hindi aniya nag-atubili ang Pilipinas na mag-alok ng medical aid at iba pang kaugnay na suporta sa panig ng China kabilang ang paghatak sa nasirang barko ng China Coast Guard para tiyakin ang kaligtasan sa paglalayag ng iba pang mga barko.
Inihayag din ng DFA na ang insidente kahapon ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagtalima sa international maritime rules gaya ng 1972 International Regulations for Preventing Collisions at Sea gayundin ng 1974 Safety of Life at Sea Convention.
Makailang ulit na rin aniyang binigyang diin ng Pilipinas ang kahalagahan ng maritime safety at nakahanda ito na makipagtulungan sa mga relevant parties para magkaroon ng leksiyon mula sa insidente.
Nananatiling bukas naman ang Pilipinas sa paggamit ng diplomasiya at dayalogo para matugunan ang pagkakaiba alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at maayos ang hidwaan nang mapayapa.
Pinuri din ng DFA ang pagiging kalmado, propesyunal at world-class seamanship ng mga crew ng PCG na hindi natitinag sa pagpapatupad ng karapatan at pagaari ng Pilipinas sa lahat ng maritime zones nito.
Kaugnay nito, ipagpapatuloy aniya ng bansa ang paggiit at pagprotekta sa ating soberaniya, sovereign rights at hurisdiksiyon alinsunod sa international law.