-- Advertisements --

Hindi pa makakapagbigay ng komento ang Malakanyang at si Pangulong Ferdinand Marcos Jr kaugnay sa isinusulong ni House Deputy Speaker Ronaldo Puno sa Kamara na magdaos ng Constitutional Convention (Concon)  para malinawan ang ilang nakakalitong probisyon ng 1987 Constitution.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro sa ngayon kasi wala pang nakikitang dokumento ang Palasyo ukol sa nasabing panukala.

Gayunpaman sinabi ni Castro sa sandaling may detalyadong dokumento na hinggil sa nasabing panukala ay saka na magbibigay ng komento ang Palasyo at maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ipinunto din ni USec. Castro na hindi tutulan ng Pangulong Marcos ang isinusulong na Concon kung ito ay ikagaganda at ikaliliwanag para hindi na mabutasan ang anumang provision sa ating Konstitusyon.

Pahapyaw namang sinabi ni Castro na may mga pagkakataon na kahit maliwanag ang ibang mga definition or mga terms sa ating saligang batas ay minsan pinapalabo para lamang mayruong mapaboran.

Inihalimbawa kasi ni Representative Puno sa kaniyang privilege speech ang salitang “forthwith” na nagresulta ng kontrobersiya sa dalawang kapulungan ng Kongreso.