Naniniwala si Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na maaaring maulit pa ang mga insidente ng banggaan hangga’t patuloy ang “illegal, coercive, aggressive at deceptive (ICAD) actions ng China.
Ayon sa PH Navy official, mula ng magsimula ang iligal na presensiya ng People’s Liberation Army (PLA) Navy, naging rason na aniya ng pagkabahala ang kanilang mga iligal at agresibong aksiyon.
Kayat hanggang patuloy aniya ang China sa pagsasagawa ng mga iligal na aktibidad at presensiya, hindi imposibleng mangyari muli ang insidente na nangyari noong Lunes, Agosto 11 kung saan sumalpok ang Chinese Navy warship sa China Coast Guard vessel habang hinahabol ang barko ng PCG na BRP Suluan malapit sa Scarborough Shoal, na nasa misyon noon para maghatid ng suplay para sa mga Pilipinong mangingisda.
Ayon kay Rear Admiral Trinidad, hindi ito ang unang pagkakataon na nakialam ang barkong pandigma ng PLAN sa panghaharass sa mga barko ng Pilipinas sa WPS. Nagsasagawa na rin aniya ang mga Chinese warship ng PLAN ng coercive at agresibong mga aksiyon sa WPS sa nakalipas na 20 taon na o mahigit.
Sa kabila nito, sinabi ng PH Navy official na ang lahat ng mga aksiyon ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay palaging tumatalima sa nakasaad sa international law.
Umaasa naman si Rear Adm. Trinidad na magsilbi bilang babala ang insidente noong Lunes para sa lahat ng players sa maritime domain upang pairalin ang pagtitimpi at tiyaking ang kanilang aksiyon ay alinsunod sa itinatakda ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), Collision regulations, at iba pa para maiwasan ang mga engkwentro sa karagatan.