CEBU CITY – Nakahanda na ang lahat para sa pagdaraos ng Sinulog 2021.
Base sa ipirinisinta kay Cebu City Mayor Edgardo Labella, tampok sa nasabing event ang mga religious aspect, gayundin sa kultura, at pang-ekonomiyang.
Aasahan sa opening salvo ang traslacion, “Walk with Mama Mary,” solemn procession, “Hermana Mayores,” at iba pa.
Ninanais ding isagawa ang fluvial parade ngunit kailangan pa rin ng karagdagang pag-aaral kung aaprubahan ba ng Sinulog foundation ang iba pang mga hakbang.
Nabatid na “welcome” naman kay Labella ang nasabing plano ngunit nais nitong higpitan pa rin ang minimum health protocols upang matiyak na hindi na mas kakalat ang nakakamatay na virus.
Sa panig naman ng pulisya at Quick Response Team, ipinakita nito ang kanilang plano upang maiwasan ang pagtitipon-tipon kasama na rito ang posibleng pagsara ng mga kalsada at daungan.
Sa kabilang banda, balak ng tanggapan ng bise alkalde na idagdag sa selebrasyon ang isang virtual competition na tinatawag na “Battle of the Champions” kung saan lalahok dito ang dating mga nanalo at runner-ups sa nagdaang dekada.
Samantala, bubuhaying muli ang Miss Cebu ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na pageant kundi isang fashion show ng iba’t ibang mga designer.
Ibibigay naman sa mga cancer survivor ang nalikom na kita bilang tulong para sa kanila.