-- Advertisements --

Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang pondo mula sa mga kinanselang proyekto sa flood control para sa taong 2026 ay ire-realign sa mga prayoridad na sektor gaya ng edukasyon, kalusugan, agrikultura, pabahay, imprastruktura, ICT, paggawa, serbisyong panlipunan, at enerhiya, kasabay ng pagbibigay ng malinaw na “menu” ng paggagamitan upang magsilbing gabay para sa mga mambabatas.

Sinabi ng Pangulo na may malinaw nang “menu” upang matiyak na maayos at wasto ang paggastos ng mga pondong muling inilaan sa pambansang badyet para sa susunod na taon.

Paliwanag ng Punong Ehekutibo, ang naturang “menu” ay magsisilbing gabay sa mga mambabatas sa paggawa ng mga pagbabago sa badyet.

Dagdag pa niya, ito ay unang hakbang tungo sa mas malinaw na transparency at pananagutan sa paglalaan ng pondo ng gobyerno, kasunod ng mga isyung lumabas kamakailan hinggil sa iregularidad sa paggastos sa mga proyektong pang-imprastruktura.

Bagamat walang bagong pondong ilalaan para sa flood control projects sa pambansang badyet para sa 2026, nilinaw ni Pangulong Marcos na ang PhP350 bilyong nakatalaga para sa 2025 ay dapat munang magamit nang buo bago gumawa ng mga bagong hakbang.

Ang kanselasyon ng flood control projects at ang paghahanda ng isang prayoridad na spending plan ay kasunod ng pagbuo ng Pangulo sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na tututok sa pagsisiyasat ng mga anomalya sa mga proyektong flood control sa nakalipas na sampung taon.