-- Advertisements --

Nagkasa ng caucus o pagpupulong ang majority bloc ng Senado hinggil sa ulat ng umano’y kudeta na naglalayong hamunin ang pamumuno ni Senate President Tito Sotto III.

Ayon kay Senate Deputy Majority Leader Risa Hontiveros, present sa meeting ang 12 senador.

Samantala, absent naman sina Senators Camille Villar, Pia Cayetano, at Lito Lapid.

Kinumpirma ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na naka-maternity leave na si Senadora Camille, dahilan kung bakit hindi ito nakadalo sa pagpupulong.

Sa panayam, sinabi ni Sotto, kabilang ang bulung-bulungan na kudeta sa kanilang mga paksa sa meeting.

Samantala, pinabulaanan naman ni Senadora Imee Marcos ang mga alegasyong may inihahandang kontra-kudeta ang minority bloc laban sa pamumuno ni Sotto.

Sa press conference, binigyang-diin ni Marcos na walang anumang diskusyon sa hanay ng minorya ukol sa planong kudeta at aniya, nalaman lamang niya ang usapin mula sa mga panayam kina Sotto at Senator Ping Lacson.

Ayon pa kay Marcos, ang tanging pinag-uusapan ng kanilang grupo ay kung paano sila makapananatiling “staying alive” sa gitna ng mga pagbabago sa Senado.

Nang tanungin si Marcos kung nakasisira sa imahe ng institusyon ang madalas na pagpapalit ng liderato, sagot niya ay tila nagdudulot pa ito ng kasiyahan.

Mariing itinanggi rin ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang alegasyon na may niluluto silang kontra-kudeta laban kay Sotto.

Nang tanungin kung may aktibong binubuong kudeta laban kay Sotto, sinabi ng senador na palaging may posibilidad sa pulitika, ngunit iginiit niyang wala siyang kinausap ni isa sa mayorya maliban sa ate niyang si Senadora Pia Cayetano.

Nitong weekend, may kumakalat na post na papalitan na ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si Sotto na tinawag na fake news ng mga nasa majority bloc.