Iginiit ng Senado na ang ipinataw na contempt order laban sa contractor na si Curlee Discaya ay ginawa sa loob ng konstitusyonal na kapangyarihan ng Senado.
Ito ang pahayag ng tanggapan ni Senate President Vicente Sotto III matapos maghain ni Discaya ng petition for habeas corpus na kumukwestiyon sa umano’y iregularidad ng kanyang pagkakakulong sa ilalim ng contempt order.
Sa pagdinig ng Regional Trial Court ng Pasay City, Branch 298, na pinamunuan ni Judge Melvin Cydrick Bughao, iniutos ng korte na manatiling nasa pangangalaga ng Senate Sergeant-at-Arms si Discaya.
Tinalakay ng mga abogado ni Discaya ang legalidad ng kanyang patuloy na pagkakakulong, habang kinatawan naman ng Senate Legal Counsel ang mga respondent.
Ayon pa sa opisina ni Sotto, nakatakdang ipagpatuloy ang kaso sa Lunes, bago ito i-turn over sa Office of the Solicitor General para sa mga susunod na pagdinig.
Matatandaang itinuring na in contempt si Discaya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 18 kaugnay ng mga maanomalyang flood control project, matapos umano siyang magsinungaling.
Ang desisyon ay bunsod ng tanong ni Sotto kung bakit hindi nakadalo sa naturang pagdinig ang asawa ni Discaya na si Sarah Discaya.