Patuloy na makikipag-ugnayan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Embahada ng Pilipinas sa South Korea para malinawan ang mga usapin may kinalaman sa umano’y pagtigil ng pagpapautang ng naturang bansa sa infrastructure projects sa Pilipinas dahil sa isyu ng korapsiyon.
Ito ang naging tugon ng DFA sa inisyu nitong statement ngayong Huwebes, Setyembre 11 matapos ipag-utos ni South Korean President Lee Jae-Myung ang agarang pagpapatigil ng pagbibigay ng 700 billion won o halos P29 billion na infrastructure loan sa Pilipinas.
Sa isang post online ng SoKor president kahapon, kinumpirma niya na ang kaniyang tinanggihang proyekto ay infrastructure project na hiniling ng Pilipinas na suportahan noong 2023. Subalit hindi pa aniya nasisimulan ang naturang proyekto kayat wala pang pondong nagagastos para dito at pinigilan niyang malustay ang bilyun-bilyong pera ng kanilang taxpayers.
Subalit sa parte ng Pilipinas, agad ding naglabas ng pahayag kahapon ang Department of Finance (DOF) hinggil sa isyu. Ayon sa ahensiya, walang existing loan ang Pilipinas sa South Korea para sa nasabing proyekto.
Sa panig naman ng DFA, sinabi nito na kanilang bibigyang pansin ang naturang pahayag ng South Korean President sa panukalang proyekto na isinumite sa naturang bansa para sa pagpopondo.