Kinilala ng DFA ang paunang pahayag ng Australian police na walang ebidensiyang may kinalaman ang Pilipinas sa Bondi Beach attack sa Sydney na ikinasawi ng 15 katao.
Ayon sa DFA, sang-ayon ang Australian Federal Police sa assessment ng PNP na walang indikasyon na nagsanay o naghanda ng logistics sa Pilipinas ang mga suspek habang narito mula Nobyembre 1–29, 2025. Walang ebidensiya rin na kabilang sila sa mas malawak na terrorist cell, bagama’t nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ang mag-amang Sajid at Naveed Akram ang responsable sa pag-atake noong Disyembre 14. Bagama’t bumisita sa Pilipinas bago ang insidente, bihira umano silang lumabas ng hotel at walang senyales ng pagsasanay.
Pinuri nina PM Albanese at AFP Commissioner ang mabilis na kooperasyon ng Pilipinas, kabilang ang pagtulong sa pagkuha ng CCTV footage. Iginiit ni DFA Secretary Lazaro ang patuloy na laban ng Pilipinas sa terorismo at pakikipagtulungan sa Australia laban sa transnational security threats. (report by Bombo Jai)
















