Umabot sa 164 pasahero, 89 rolling cargos, at limang sasakyang-pandagat ang naitalang na-stranded sa mga pantalan sa Central Visayas dahil sa bagyong Ada.
Ito ay batay sa monitoring ng Philippine Coast Guard mula alas-4 hanggang alas-8 ng umaga nitong Biyernes, Enero 16.
Kabilang sa mga pantalan na sakop ay ang Port of Daanbantayan, Port of Carmen, at Port of Pulambato.
Kaugnay nito nananatiling kanselado ang lahat ng biyaheng-pandagat mula Cebu patungong Eastern Visayas at Surigao.
Ganun din ang mula sa Port of Ubay sa Bohol patungong Leyte hanggang sa bumuti ang lagay ng panahon at matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at tripulante.
Samantala, sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Mark Gales, Weather Specialist ng PAGASA Visayas,sinabi nito na bagama’t malayo sa Cebu ang sentro ng Bagyong Ada, inaasahan ngayong araw ang mahina hanggang katamtaman na kung minsan ay malakas na pag-ulan sa malaking bahagi ng Central at northern Cebu.
Sinabi pa ni Gales na pagsapit ng Sabado, asahan ang bahagyang pagbuti ng panahon.
Dagdag pa niya na base sa kanilang pagtataya, posibleng isailalim sa Signal No. 1 ang northern Cebu sa mga susunod bulletin, habang mababa naman ang tsansa na mapasailalim dito ang Central Cebu.
















