-- Advertisements --

Kukumprontahin daw ni Senador Rodante Marcoleta si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kaugnay ng pagtanggi nitong isama ang mga government contractor na sina Sarah at Curlee Discaya sa Witness Protection Program (WPP) ng pamahalaan.

Iginiit ni Marcoleta, dating chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na dapat isailalim ang mag-asawang Discaya sa Witness Protection Program ng Department of Justice dahil sa umano’y mga banta sa kanilang buhay.

Giit niya, bago siya sumulat ng rekomendasyon para sa lagda ni Senate President Tito Sotto III, nakipag-usap muna siya kay Remulla hinggil sa posibilidad na payagan ang mag-asawang Discaya na maging state witness.

Sinabi aniya ni Remulla na maaari ito, kaya’t pinanghawakan niya ang naturang pahayag. 

Gayunman, ipinunto ng senador na ikinalungkot niya ang naging panibagong pahayag ng kalihim, na siya ring naging basehan ni Sotto upang hindi lagdaan ang kanyang sulat.

Matatandaang sinabi ni Remulla noong Biyernes na naniniwala siyang hindi ganap na nagsisiwalat ng impormasyon ang mag-asawang Discaya kaugnay ng maanomalyang flood control projects, dahilan upang hindi niya suportahan ang kanilang aplikasyon bilang state witness.