-- Advertisements --

Lubos na nauunawaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang galit ng publiko kaugnay sa katiwalian sa mga proyekto ng flood control at iba pang imprastruktura, at inamin niyang kung hindi siya ang Pangulo, posibleng nasa lansangan rin siya kasama ng mga nagpo-protesta.

Inihayag ng Pangulo na makatuwiran ang galit ng taumbayan sa mga ibinunyag na iregularidad.

Sinabi ng Pangulo, siya mismo ang naglabas ng anomalya at interes niya na makahanap ng solusyon napakalalang problema.

Giit ng Pangulo na hindi masisisi ang mga tao kung lumabas sila sa kalye at ipahayag ang kanilang nararamdaman.

Aniya, galit ang mga tao at maging siya ay galit at karapatan ng bawat isa ang magalit dahil hindi tama ang mga nangyayari.

Hinimok ni Pangulong Marcos ang publiko na panagutin ang mga opisyal ng gobyerno at pribadong indibidwal na sangkot sa mga anomalya, at siguruhing managot sila sa batas.

Pinaalalahanan din ng Pangulo na dapat manatiling mapayapa ang mga kilos-protesta, at nagbabala na obligadong kumilos ang mga awtoridad kung magiging marahas ang mga ito.

Binigyang-diin ng pangulo na seryoso ang pamahalaan na panagutin ang mga sangkot sa pamamagitan ng bagong tatag na Independent Commission on Infrastructure (ICI).