-- Advertisements --

Inihain ni House Majority Leader Sandro Marcos ang House Bill No. 3661 na layong ipagbawal sa mga kamag-anak ng mga opisyal ng gobyerno hanggang sa ika-apat na antas ng kaugnayan na makipagkontrata sa pamahalaan.

Ang nasabing panukala ay tugon sa matagal nang nililigalig ng mga alegasyon ng nepotismo, padrino system, at kurapsyon, ang mungkahing ito ay tila pagputol ng kadena ng kultura ng pansariling interes.

Giit pa ni Marcos na ang pondo ng bayan ay para sa mamamayan. Hindi ito para payamanin ang mga kaanak ng opisyal, o bigyan ng hindi makatarungang bentahe.

Naniniwala si Marcos na ang nasabing panukala ay isang hakbang papunta sa gobyernong patas, malinaw, at tunay na para sa tao.

Hindi ikinaila ng kongresista na may mga tatamaan.

Ngunit para kay Sandro Marcos, ang pagiging lider ay hindi lamang tungkol sa popularidad, kundi sa pagpili ng tama, kahit hindi ito madali.

Giit ng majority leader na may utang tayo sa bawat Pilipinong nagbabayad ng buwis kaya bawat pisong kinokolekta ng gobyerno ay dapat ginagastos nang may buong ingat at integridad.

“I filed House Bill 3661, seeking to disqualify relatives of public officials—up to the fourth civil degree—from entering into government contracts. This measure is simple but crucial: to strengthen accountability, and ensure integrity in public service,” batay sa explanatory note ni Majority leader Marcos.