Inirekomenda ni House Committee on Appropriations Committee chair Rep. Mikaela Suansing sa Office of the Ombudsman na palawigin pa ang Ombudsman Assistance Centers (OACs) para masaklaw ang mga reklamo pagdating sa kontrobersiyal na flood control projects.
Sa deliberasyon ng panukalang pondo ng Office of the Ombudsman ngayong Martes, Setyembre 9, inilahad ni Overall Deputy Ombudsman Officer-In-Charge Jose Balmeo Jr. na plano nilang magtalaga ng abogado sa assistance center para magbigay ng kaukulang legal advice sa mga posibleng maghahain ng reklamo.
Sa kasalukuyan kasi, ang mandato ng OACs ay nakatuon sa pag-streamlined ng mga serbisyo para sa walk-in clients gaya ng paghahain ng reklamo, pagsusumite ng statement of assets, liabilities and net worth (SALN) at pagproseso ng clearances ng Ombudsman.
Inamin naman ni Balmeo na walang lawyers na nakatalaga sa assistance centers. Bunsod nito, tinanong ni Rep. Suansing kung nakasama ba sa 2026 proposed budget ng Office of the Ombudsman ang karagdagang manpower at resources at iginiit na kritikal ang papel ng Ombudsman para sa posibleng paghatol sa mga kasong ihahain sa anomaliya sa flood control projects.
Maliban sa OACs, tinanong din ng Committee chair ang kailangan pagdating sa pondo para sa flood control panel.
Matatandaan, nauna ng ipinag-utos ng Ombudsman sa 13-member panel ang pag-imbestiga, pagkalap ng ebidensiya at pagrekomenda ng criminal at administrative cases laban sa mga indibidwal na mapapatunayang may pananagutan sa mga iregularidad sa mga kontrata sa flood control projects.
Magiging saklaw ng inquiry ng special panel ang national at local flood control projects, umano’y corrupt practices sa pagpapatupad ng proyekto at posibleng misuse sa kaban ng bayan.