-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Justice (DoJ) na dumaan sa ligal na proseso ang pagkaka-deport ng isang banyagang sinasabing nakinabang sa good conduct time allowance (GCTA) Law.

Ayon kay Justice Usec. At Spokesman Markk Perete ang dating inmate na isang Hong Kong British national ay ipina-deport ng Bureau of Immigration (BI) matapos itong maabswelto ng Court of Appeals (CA).

Hindi raw kasama ang nasabing dayuhan sa mga Chinese na nahatulan ng guilty sa kasong droga na pinakawalan mula sa Bilibid dahil sa GCTA.

Ang mga convicted Chinese drug lord ay nananatili pa rin umano sa Bureau of Immigration.

Gayunman, inaalam pa ng DoJ kung anong kaso nasangkot ang naipa-deport na banyaga.

Hindi pa rin tiyak kung sa New Bilibid Prisons (NBP) rin nakulong ang naipa-deport na dayuhan.

Mula naman sa mahigit 1,900 heinous crime convict na napakawalan sa pamamagitan ng GCTA, nasa 126 na lamang ang natitira na kailangang beripikahin ng BI kung may departure o flight record.