-- Advertisements --

Idinipensa ngayon ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag ang sinasabing illegal quarrying sa New Bilibid Prison.

Ayon kay Bantag, ang naturang paghuhukay ay malayo raw sa compound ng New Bilibid Prison at hindi ito gagamitin para sa mga inmate.

Una nang sinabi ni Acting BuCor director general Gregorio Catapang Jr na walang permit ang paghuhukay sa naturang tunnel.

Sinasabi ring ang excavation ay sinimulan pa noong buwan ng Setyembre noong nakaraang taon at madalas daw ay may nakikitang tao doon na may dalang metal detector.

Lumabas pa ang mga balitang ang paghahanap sa tinaguriang Yamashita treasure ang dahilan ng paghuhukay ng lupain sa New Bilibid Prison na mayroong lalim na 30 metro.

Samantala, kaabang-abang ngayon kung dadalo bukas sa preliminary investigation si Bantag kaugnay ng kinahaharap na reklamong murder kaugnay ng pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.

Kahapon nang personal na kinuha ng abogado ni Bantag na si Atty. Rocky Balisong ang subpoena sa Department of Justice.

Iginiit ng abogado na may 10 araw sila simula kahapon para maghain ng counter-affidavit matapos matanggap ang subpoena.