-- Advertisements --

Pumalo na sa hindi bababa sa 67 ang bilang nga mga nasawi dahil sa matinding pagbaha sa Texas kabilang ang 21 bata. 

Ayon kay Larry Leitha, ang Sheriff ng Kerr County sa Texas Hill Country, na siyang sentro nang matinding pagbaha, umabot na sa 59 ang bilang ng mga nasawi sa kanilang lalawigan—kabilang na rito ang 21 batang nasawi.

Ayon kay Leitha, 11 batang babae at isang camp counselor ang patuloy na nawawala mula sa isang summer camp malapit sa Guadalupe River, na umapaw matapos ang matinding pag-ulan sa gitnang bahagi ng Texas noong Biyernes, kasabay ng pagdiriwang ng Independence Day ng Estados Unidos.

Dagdag nito, mayroong 18 na matatanda at apat na bata na hindi pa nakikilala sa Kerr County. Hindi niya sinabi kung ang 22 kataong ito ay kasama na sa bilang ng 59 na nasawi sa nasabing lalawigan.

Ayon sa mga opisyal noong Sabado, mahigit 850 katao ang nailigtas, kabilang ang ilan na kumakapit na lamang sa mga puno, matapos ang biglaang bagyo na nagbuhos ng hanggang 15 inches (38 cm) ng ulan sa rehiyon, humigit-kumulang 85 miles (140 km) northwest ng San Antonio.

Hindi pa tiyak kung ilang tao ang patuloy na nawawala sa lugar.