Tumindig ang National Security Council (NSC) na hindi kailanman mapapatahimik ang Pilipinas.
Ito ay kasunod ng tangkang pagpigil ng China sa screening sa Doc Edge film festival sa New Zealand ng dokumentaryo ng Pilipinas na “Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea” na tumatalakay sa mga isyu sa naturang karagatan.
Sa isang statement, nagpahayag ng matinding pagkabahala ang konseho sa naging hakbang ng China.
Ayon kay National Security Adviser Eduardo Año, ang paggamit ng diplomatic pressure para idemand ang kanselasyon ng dokumentaryo ay nagpapakita ng hayagang pagtatangka para patahimikin ang makapangyarihang naratibo na nagsisiwalat ng tunay na sitwasyon sa WPS at sa pang-araw-araw na reyalidad na kinakaharap ng mga mangingisdang Pilipino.
Ang pagpigil ding ito ay hindi aniya katanggap-tanggap at direktang paghamak sa mga prinsipyo ng malayang pagpapahayag, artistic freedom at democratic discourse.
Kaugnay nito, nagpaabot ng suporta ang konseho sa direktor na si Babyruth Villarama at sa mga producer ng Food Delivery na isang matapang at napapanahong dokumentaryo na nagbibigay ng boses sa mga patuloy na dumidepensa sa ating soberaniya at karapatan sa karagatan.
Pinuri din ng NSC ang Doc Edge Film Festival, partikular na si General Manager Rachael Penman, na tumangging sumuko sa foreign pressure at pinaglaban ang karapatan sa pagpapahayag ng mga istorya kaugnay sa usapin sa WPS.
Hinimok din ng NSC ang international community, lalo na ang filmmakers, artists, media platforms, at democratic institutions, na tutulan ang coercion at censorship.