-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang mandatory registration ng mga SIM cards .

Ito ay kasunod na rin ng mga napabalitang paglipana ng spam messages kamakailan na nag-aalok ng trabaho kapalit ng mataas na sahod, na ayon sa National Privacy Commission (NPC) ay mula sa global o international syndicates.

Sa kanilang plenary session ngayong hapon, 181 na mga kongresista ang bumoto nang pabor sa House Bill 5793 o ang SIM Card Registration Act habang anim na mga mambabatas naman ang tumutol dito.

Nakasaad sa naturang panukala na sa pamamagitan nang mandatory registration ng mga SIM cards ay maiiwasan ang anumang krimen o modus na gumagamit ng mga mobile phones na may postpaid o prepaid SIM cards.

Makakatulong din ito sa pagtunton ng mga otoridad sa mga kriminal, katulad na lamang ng mga sangkot sa kidnapping, terorismo at iba pa.

Para maiparehistro ang SIM card, kailangan ng user na makapagpakita ng isang valid ID na may litrato nito.

Kailangan ding ibigay ng user ang ilang mahalagang detalye katulad na lamang ng kanyang pangalan, kaarawan at address.

Papapirmahin din ito sa sang control-numbered registration form na mula sa Public Telecommunications Entity.

Maging mga dayuhan ay obligadong gawin ito kapag sila ay dumating na sa Pilipinas.