-- Advertisements --

Iginiit ng kampo ni dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez na hindi isyu ng malayang pamamahayag ang kinakaharap na kaso laban kay Franco Mabanta, kundi isang usapin ng umano’y extortion.

Ayon kay Atty. Elaine Atienza, tagapagsalita ni Romualdez, “twisting the narrative” umano ang ginagawa ng kampo ni Mabanta sa pamamagitan ng pag-frame sa kaso bilang pag-atake sa press freedom.

Dagdag niya, malinaw umano sa batas na ang pangingikil ay isang krimen at ang ginawa ng dating House Speaker ay ang paglapit sa mga awtoridad matapos umano siyang makatanggap ng banta o extortion attempt.

Ayon sa kampo ni Romualdez, agad nilang isinangguni ang insidente sa mga otoridad, dahilan para kumilos ang National Bureau of Investigation (NBI) alinsunod sa kanilang mandato.

Binanatan din ni Atienza ang depensa ng PGMN na may hawak umano silang materyales laban sa ilang opisyal ng gobyerno. Giit niya, hindi ito makapagpapawalang-sala sa kasalukuyang alegasyon ng extortion case investigation.

Dagdag pa ng kampo ni Romualdez, may alegasyon na ang PGMN ay gumawa ng video na hindi umano inilabas ngunit ginamit bilang leverage, na para sa kanila ay hindi na maituturing na journalism kundi posibleng extortion.

Binigyang-diin din ng kampo ng dating House Speaker na ang kaso ay lilitisin batay sa ebidensya at due process, at hindi sa mga salaysay na umiikot sa social media.