-- Advertisements --

Nagbitiw na bilang lead defense counsel ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) si Atty. Nicholas Kaufman matapos magtapos ang kanyang isang taong kontrata noong Marso 31, 2026.

Sa inihaing resignation ni Kaufman sa ICC na may petsang Mayo 8, sinabi nito na napagkasunduan niya at ni Duterte na tapusin na ang kanilang professional engagement.

”Yesterday, the Defense team visited Mr Duterte and documented both Mr Duterte’s release of Counsel from his representation and his desire to hire replacement Counsel – Mr [REDACTED],” sabi ng ICC.

Nakapili na rin umano ang dating pangulo ng bagong abogado na hahawak sa kanyang depensa sa kinahaharap na kasong crimes against humanity kaugnay ng kontrobernsyal na ‘war on drugs’ nang kanyang administrasyon.

Ayon pa kay Kaufman, nakausap na niya ang bagong legal counsel ni Duterte at tiniyak naman daw nito na agad akuin ang kaso, kabilang ang pagharap sa susunod na paglilitis ng ICC na nakatakda sa Mayo 27, 2026.

Tiniyak naman ni Kaufman na may sapat na karanasan sa ICC ang papalit na legal counsel ng dating pangulo kaya’t hindi maaapektuhan o maaantala ang takbo ng kaso ni Duterte.

Kasabay ng kanyang pagbibitiw, humingi rin si Atty. Kaufman ng pormal na pahintulot sa ICC upang makapag-withdraw bilang counsel, alinsunod sa proseso at regulasyon ng korte.

Liban dito mananatiling confidential ang lahat ng impormasyong may kaugnayan sa kaso ng dating pangulo kahit tapos na ang professional relationship ni Kaufman dito.

Sa ngayon ‘wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ni Duterte tungkol sa pagkakakilanlan ng bagong lead defense counsel nito.