Inakusahan ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang liderato ng Senado, sa ilalim ng bagong upong Senate President na si Senador Alan Peter Cayetano, ng paglikha umano ng isang “constitutional crisis.”
Ang pahayag na ito ay kasunod ng naging hakbang ng kapulungan na bigyan ng protective custody si Senador Ronald “Bato” dela Rosa upang harangin ang tangkang pag-aresto ng National Bureau of Investigation (NBI) base sa warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Umaasa si Trillanes na pansamantala lamang ang pagbabago sa liderato at agad itong mapapalitan upang maibalik ang “katinuan at dignidad” ng institusyon.
Binigyang-diin din niya na walang legal na bisa ang inaprubahang Senate resolution na nagtatakda na dapat munang maglabas ng warrant ang lokal na korte bago kilalanin ang arrest order mula sa isang foreign tribunal.
Ayon kay Trillanes, ang naturang resolusyon ay simbolo lamang ng sentimyento ng mga mambabatas at hindi maaaring mangibabaw sa batas.
Gayundin, maaari aniyang i-cite bilang basehan para sa nakaambang pag-aresto kay Dela Rosa ang batas sa bansa na Republic Act, No 9851 na nagpaparusa sa krimen laban sa sangkatauhan.
Tinukoy din ni Trillanes ang ruling ng Korte Suprema na kumikilala sa hurisdiksiyon ng ICC sa Pilipinas.
















