Inanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang panibagong bawas presyo para sa diesel at kerosene habang may pagtaas naman sa presyo ng gasolina.
Sa magkakahiwalay na abiso, magkakaroon ng P9.57 kada litro na rollback sa presyo ng diesel at P13.30 kada litro naman sa kerosene. Habang madaragdagan naman ang presyo ng gasolina ng hanggang P0.47 kada litro.
Ang naturang price adjustments ay kasunod nang ipinairal na patakaran ng Department of Energy (DOE) simula Mayo 12 hanggang 18.
Nauna nang sinabi ng mga industry source na posibleng umabot sa P4.00 kada litro ang dagdag-presyo sa gasolina habang maaaring bumaba ng hanggang P8.00 kada litro ang diesel dahil sa galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa DOE, ang mga pagbabagong ito ay nakabatay sa galaw ng pandaigdigang merkado ng langis, sa gitna ng patuloy na kaganapan sa Gitnang Silangan na nakakaapekto sa global supply at presyo ng krudo.
Noong nakaraang linggo, nagtaas ng P2.21 kada litro sa gasolina at P2.66 kada litro sa diesel, habang nagbawas naman ng P3.53 kada litro sa kerosene.
Dahil dito, umabot na sa kabuuang net increase na P46.44 kada litro ang gasolina, P51.82 kada litro ang diesel, at P54.46 kada litro ang kerosene simula Enero hanggang Mayo 5, 2026.















