-- Advertisements --

Kinumpirma ng International Criminal Court (ICC) na sila ang naglabas ng warrant of arrest laban kay Senador Ronald ”Bato” dela Rosa kaugnay ng umano’y mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs campaign ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa 16-pahinang dokumento ng ICC, nakasaad na “classified as secret” ang arrest warrant ngunit maaari itong ibahagi sa mga estado, international organizations, at iba pang awtorisadong personalidad.

Noong Lunes, sinabi ni dating senador Antonio Trillanes IV na isang kopya ng warrant ang ipinadala sa Philippine Center on Transnational Crime.

Ayon kay ICC spokesperson Orianne Maillet, kinumpirma ng tribunal na lehitimo ang dokumento ng ICC ang lumabas na warrant na kumalat sa media.

“This arrest warrant against Mr. Ronald Marapon Dela Rosa was issued confidentially, under seal, by Pre-Trial Chamber I of the ICC on 6 November 2025,” ayon kay Maillet.

Nakasaad pa sa warrant na may “reasonable grounds” upang paniwalaang nagkasala si dela Rosa bilang “indirect co-perpetrator” sa kasong crimes against humanity of murder mula Hulyo 3, 2016 hanggang katapusan ng Abril 2018.

Ayon pa sa dokumento, hindi bababa sa 32 katao ang umano’y napatay sa iba’t ibang lugar sa bansa ng mga miyembro ng law enforcement, kasama ang ilang di umano’y hitmen at non-police assets, sa kasagsagan ng kampanya kontra droga.

Si dela Rosa ang unang hepe ng Philippine National Police sa ilalim ng administrasyong Duterte at isa sa mga pangunahing nagpapatupad ng war on drugs campaign.

Sinabi pa ng ICC prosecution na kinakailangan ang agarang pag-aresto kay dela Rosa upang matiyak ang kanyang pagharap sa korte.

Binanggit din ng korte na may ulat umanong nagbanta si dela Rosa laban sa isang ICC investigator at tinawag na “traitors” ang mga nakikipagtulungan sa imbestigasyon.

Dahil dito, sinabi ng ICC na kinakailangan ang pag-aresto upang maiwasan umano ang posibleng panghihimasok sa imbestigasyon at maprotektahan ang mga testigo at biktima.

Samantala, tinangka ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation na isilbi ang warrant of arrest kay dela Rosa habang nasa Senado, ngunit hindi ito naisakatuparan dahil sa ipinapatupad na constitutional provition ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.