Naghain ngayon ng petisyon sa Supreme Court (SC) ang isang tanyag na election lawyer para kuwestiyunin ang ligalidad ng pagbabaliban sa barangay at Sangguniang Kabataan election sa Disyembre 5.
Naniniwala kasi si Atty. Romulo Macalintal na hindi dapat maipagpaliban ang barangay election.
Aniya, nakasaad sa Section 5 ng Omnibus Election Code na ang Commission on Elections (Comelec) lamang ang may kapangyarihang magpaliban sa halalan hindi ang Senado o Kongreso.
Ang mangyayari daw kasi kapag naipagpaliban ang halalan ay tuloy pa rin ang termino ng mga barangay officials na dapat ay magtatapos ngayong taon.
Kaya naman, hindi raw puwedeng indirectly ay ia-appoint ang mga ito ng mga mambabatas.
Bagamat binigyan daw ng kapangyarihan ang Kongreso sa pamamagitan ng Saligang Batas na itakda ang panahon ng panunungkulan ng mga barangay officials pero sa sandaling maitakda na ito ay hindi na nila ito puwedeng palawigin.
Nilinaw naman ni Macalintal na ang kanyang kinuwestiyon lamang ay ang pagpapaliban sa barangay election at hindi kasama ang Sangguniang Kabataan.