-- Advertisements --

Posibleng muling pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong linggo ng gabi o Lunes ng umaga ang Tropical cyclone Danas (dating Bising), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Ayon sa state weather bureau, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 385 km ng kanlurang-hilaga ng Itbayat, Batanes. Taglay ang lakas ng hangin na 120 km/h at bugso na hanggang 150 km/h. Patuloy naman itong kumikilos sa north northeastward sa bilis na 10 km/h.

Ibinabala din ng weather bueau ang pagtaas ng gale warning sa mga baybayin ng Hilagang Luzon, partikular sa Batanes, Babuyan Islands, at Ilocos Region, dahil sa napakataas na alom na maaaring umabot ng 4.5 metro. Pinayuhan ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang-dagat na huwag munang pumalaot.

Samantala batay sa datos ng Office of Civil Defense (OCD), umabot na sa 13,006 na indibidwal mula sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region (CAR), at Cagayan Valley ang apektado ng bagyo habang walang naitalang nasawi, at patuloy ang ginagawang clearing operations sa ilang impassable na kalsada.