-- Advertisements --

Itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 5 sa anim na lugar sa bansa habang patuloy na lumalakas at lumalapit sa kalupaan ang Super Typhoon Uwan, na ngayon ay banta sa Aurora at Polillo Islands.

Sa pinakahuling ulat ng PAGASA pasado alas-5 ng hapon, nakataas ang Signal No. 5 sa mga sumusunod:

Katimugang bahagi ng Quirino

  • Nueva Vizcaya
  • Nueva Ecija
  • Aurora

Polillo Islands

  • Hilagang bahagi ng Camarines Norte, kabilang ang Calaguas Islands

Dalawampung (20) lugar naman ang nasa ilalim ng Signal No. 4, kabilang ang ilang bahagi ng Isabela, Nueva Vizcaya, Benguet, Aurora, Nueva Ecija, Pangasinan, Quezon, at mga lalawigan sa Bicol Region.

Samantala, nakataas din ang Signal No. 3 sa malaking bahagi ng Luzon, kabilang ang Metro Manila, at ilang lugar sa Visayas at Mindanao, gaya ng Cebu, Iloilo, Negros Occidental, at Surigao del Norte.

Huling namataan ang mata ng bagyong Uwan sa 110 kilometro sa hilaga ng Daet, Camarines Norte o 150 kilometro sa silangan-hilagang-silangan ng Infanta, Quezon.

Taglay nito ang hanging may lakas na 185 kilometro kada oras at bugso na aabot sa 230 kilometro kada oras, habang kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.

Inaasahang tatama sa kalupaan ng Aurora ang Super Typhoon Uwan mamayang gabi o sa madaling araw ng Lunes, Nobyembre 10, at tatawid sa kabundukan ng Hilagang Luzon, kung saan unti-unti itong hihina ngunit mananatiling bagyo.

Nagbabala rin ang PAGASA sa matinding storm surge na posibleng umabot ng mahigit tatlong metro, lalo na sa mabababang baybayin ng Luzon, Visayas, at ilang bahagi ng Mindanao.