Pinalawig pa ng Toronto Raptors at ni Pascal Siakam ang kanilang samahan matapos na magkasundo ang magkabilang panig sa isang contract extension.

Batay sa ulat, lumagda na si Siakam sa isang four-year maximum rookie contract extension na pumapatak ng $130-milyon.

Pinirmahan ng 25-year-old Cameroonian forward ang deal bago ang nakatakdang deadline para sa nasabing mga extension sa mga 2016 draftees sa Martes (Manila time).

Si Siakam, na ibinotong Most Improved Player ng NBA noong nakaraang season, ay naging malaki ang ginampanang papel upang mapasakamay ng Raptors ang inaasam-asam na titulo sa kasaysayan ng franchise.

Nitong nakalipas na season ay tumipa ng average na 19.8 points, 7.5 rebounds at 3.7 assists kada laro si Siakam.

Bunsod naman ng paglisan ni Kawhi Leonard na nagtawid bakod sa Los Angeles Clippers, inaasahang isa si Siakam sa mga sasandalan ng Toronto na naghahangad na madepensahan ang kanilang korona. (AFP)