Nakatakdang isumite ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa huling linggo ng kasalukuyang buwan ng Oktubre kay Pangulong Rodrigo Duterte ang shortlist ng mga pangalan na papalit sa pwesto ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar.
Nakatakda kasing magretiro sa serbisyo si Elezar sa November 13, 2021 matapos maabot nito ang mandatory retirement age na 56-years old.
Nilinaw naman ni Sec. Año ang naging pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hawak na ni Pangulong Duterte ang shortlist ng mga kandidato para sa susunod na PNP chief.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Secretary Año kaniyang sinabi na hindi pa siya nakapagsumite ng shortlist sa Malacanang.
“Wala pa naman Anne. I have not yet submitted my recommended list for the next Chief PNP. I’ll submit the list in the last week of October,” mensahe ni Sec Año sa Bombo Radyo.
Tumanggi naman si Año sabihin kung sino-sino ang kaniyang irerekumenda.
“Seniority, merit and service reputation will be my basis on coming up with a recommendation,” pagbibigay-diin ni Año.
Si Eleazar, ang ika-26th PNP chief at miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Hinirang Class of 1987.
Siya ay nag-assume bilang PNP chief noong May 7, kapalit ni retired Gen. Debold Sinas na nagretiro na rin sa serbisyo.
Kung masusunod ang rule of succession, ang mga posibleng contenders bilang PNP chief ay sina: PLt. Gen. Joselito Vera Cruz, The Deputy Chief for Administration (TDCA), ang ikalawang PNP’s highest official, Lt. Gen. Ephraim Dickson, The Deputy Chief for Operations (TDCO) at Lt. Gen. Dionardo Carlos, The Chief of the Directorial Staff (TCDS).
Sina Eleazar, Vera Cruz, Dickson, at Sinas ay pawang miyembro ng PMA Class of 1987 habang si Carlos ay miyembro ng PMA Class of 1988.
Bukod sa mga miyembro ng PNP command group, lumulutang din ang pangalan ni NCRPO chief Maj. Gen. Vicente Danao, na miyembro ng PMA Class of 1991.